
Itinaas na sa heightened alert status ang mga paliparan sa buong bansa bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Undas.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), nagtalaga na ito ng mga help desk sa lahat ng paliparang pinamamahalaan nito upang agarang matugunan ang mga katanungan at reklamo ng mga biyahero.
Pinaigting na rin ang pagbabantay ng mga security personnel sa mga terminal, habang nakaantabay ang mga medical team para sa posibleng emergency.
Nakikipag-ugnayan din ang CAAP sa PNP Aviation Security Unit, Office for Transportation Security, mga airline at iba pang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang maayos na daloy ng mga pasahero at maiwasan ang pagsisiksikan, partikular sa mga check-in counter.
Ayon kay CAAP Director General Raul del Rosario, pangunahing layunin ng ahensya na matiyak ang kaligtasan at maayos na biyahe ng mga pasahero sa panahon ng Undas.
Samantala, pinayuhan ang mga biyahero na kumpirmahin muna sa kanilang mga airline ang iskedyul ng flight at alamin kung may pagbabago rito.
Pinag-iingat din ang mga pasahero na magtungo nang mas maaga sa paliparan upang magkaroon ng sapat na oras para sa check-in at security screening.










