Patay ang dalawa sa tatlong sakay ng motorsiklo nang bumangga sa kongkretong harang ng gilid ng lansangan sa palikong bahagi ng kalsada sa bayan ng Pamplona, Cagayan.

Naisugod pa sa pinakamalapit na pagamutan sa Apayao ang mga biktimang sina Edimar Ganal, driver ng motorsiklo at Jed Aldwin, kapwa nasa hustong edad subalit idineklarang dead on arrival, habang patuloy namang nilalapatan ng lunas ang babae nilang kasama.

Ayon kay PEMS Tomas Baggay ng PNP- Pamplona, batay sa imbestigasyon, dakong alas 9:00 ng gabi nang pauwi na sa Abulug ang tatlong biktima, galing sa bayan ng Pamplona.

Ngunit pagsapit sa isang kurbadang bahagi ng kalsada sa Brgy Alasitan, nang umanoy nawalan ng kontrol si Ganal sa kanyang manibela at bumangga sa kongkreto na nasa gilid ng kalsada.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang tatlo sa motorsiklo na dahilan ng tinamo nilang malubhang sugat sa ibat ibang bahagi ng kanilang katawan.

-- ADVERTISEMENT --