Patay ang dalawang sakay ng motorsiklo nang magliyab ito at kasamang nasunog sa nangyaring aksidente sa bayan ng Enrile, Cagayan.
Kinilala ang mga biktima na sina Marlon Pascual, 39-anyos, driver at ang backrider nitong si Khenny Vegas, 42-anyos, kapwa residente sa bayan ng Solana.
Ayon kay PMSGT Jaime Lallaban, imbestigador ng PNP-Enrile, nangyari ang aksidente nitong 1:50 ng hapon ng Sabado habang binabaybay ng mga biktima ang 4-lanes na pambansang lansangan sa Brgy Roma Norte at pauwi na sa kanilang lugar.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakabanggaan ng mga biktima ang isang sasakyan ng courier delivery services na minaneho ni Eduardo Lucas ng San Mateo, Isabela at pabalik na ng Isabela nang nag-overtake sa sinusundang kolong-kolong, kaya hindi nito nakita ang kasalubong na motorsiklo.
Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon sa shoulder lane ng lansangan ang nagliyab na motorsiklo kung saan kasamang nasunog ang dalawang biktima na sanhi ng kanilang pagkamatay habang nayupi naman ang kanan at harapang bahagi ng nakabanggang sasakyan.
Nagtamo naman ng minor injury ang driver ng delivery service vehicle na hawak na ng pulisya at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide and Damage to Property.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis sa pangyayari, pero paalala nila sa mga motorista parating mag-ingat sa pagmamaneho.