
Sinimulan na ng Department of Justice (DOJ) National Prosecution Service ang imbestigasyon sa 20 pang indibidwal na iniuugnay sa umano’y maanomalyang flood control projects sa Cebu.
Inihayag ni DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez na ang kaso ay nagmula sa dalawang magkahiwalay na reklamong inihain kamakailan ng National Bureau of Investigation (NBI) Cebu District Office laban kay Suzette Nwanaka, district engineer ng DPWH Cebu 3rd District Engineering Office, at 19 iba pa.
Aniya, nag-ugat ito sa dalawang magkahiwalay na reklamong inihain kaugnay ng proyekto.
May kinalaman ang mga reklamo sa umano’y iregularidad sa bidding at implementasyon ng mga proyekto, partikular sa Barangay Singsing sa bayan ng Balamban, Cebu.
Pinangalanan din sa reklamo ang ilang pribadong kontratista, kabilang sina Wilhelm Tiu Go at Winiza Zhiene Baguio.
Kabilang sa mga kasong kinakaharap ng mga respondent ang illegal use of public funds, technical malversation, malversation of public funds, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, perjury, paggamit ng falsified documents, at paglabag sa Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act.
Nilinaw ni Martinez na nasa preliminary investigation pa lamang ang kaso at wala pang pinal na konklusyon, dahil patuloy pang sinusuri ang mga ebidensiyang iniharap sa DOJ.
Dagdag pa niya, bahagi lamang ito ng mas malawak na imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects sa iba’t ibang lugar.




