Hindi bababa sa 24 katao ang nasawi at 11 iba pa ang nasugatan matapos magbanggaan ang isang bus at truck sa Assam, hilagang-silangang bahagi ng India.

Naganap ang aksidente malapit sa Kaziranga National Park, isang UNESCO World Heritage Site. Kabilang umano sa mga nasawi ang ilang estudyante sa kolehiyo.

Isinugod naman sa Jorhat Medical College and Hospital ang mga sugatan para sa agarang pagpapagamot.

Batay sa mga paunang imbestigasyon, posibleng mabilis ang takbo ng isa sa mga sasakyan bago ang insidente. Gayunman, patuloy pang iniimbestigahan ang tunay na sanhi ng banggaan.

Nagpaabot naman ng pakikiramay si Assam Chief Minister Himanta Biswa Sarma at tiniyak na prayoridad ng pamahalaan ang pagbibigay ng kinakailangang tulong medikal sa mga biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, patuloy na malaking suliranin sa India ang mga aksidente sa kalsada, kung saan umabot sa 183,382 ang naitalang nasawi noong 2025.