Naghain ang Pilipinas ng listahan ng mga kahilingan sa India kaugnay ng planong pagbili ng karagdagang BrahMos missile systems, ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.

Sa kaniyang pahayag sa 3rd Delhi Defence Dialogue nitong Miyerkoles, sinabi ni Teodoro na nais ng bansa na madagdagan ang mga yunit ng naturang missile system at maiangkop ang mga ito sa kalagayan ng Pilipinas.

Kabilang sa mga konsiderasyong nais tugunan ang hamon sa pagdadala at paggalaw ng mga kagamitang militar dahil sa mahigit 7,600 isla ng bansa, limitadong kakayahan ng ilang kalsada at tulay, at kawalan ng aktibong sistema ng tren.

Ang Pilipinas ang kauna-unahang dayuhang bansa na bumili ng BrahMos missile system mula sa India. Ayon kay Teodoro, ipinapakita ng kasunduan ang tiwala ng India na gagamitin ng Pilipinas ang kakayahan nito nang responsable at para lamang sa layuning pandepensa, alinsunod sa international law.

Bukod sa missile systems, kabilang din sa mga posibleng larangan ng kooperasyong pandepensa ng dalawang bansa ang space technology, ground-based air defense systems, multiple-launch rocket systems at pagbili ng satellite para sa Armed Forces of the Philippines.

-- ADVERTISEMENT --