
Nawalan ng ₱25,000 na ipon ang isang lalaki matapos lapain ng mga anay ang perang itinago niya sa isang kahoy na tip box na nakalagay sa loob ng locker.
Ibinahagi ni Cirilo Bitang sa social media ang video na nagpapakita ng napinsalang mga ₱500 bill na naipon niya sa loob ng isang taon.
Ayon kay Bitang, maayos pa ang kondisyon ng pera nang huli niyang suriin noong huling linggo ng Nobyembre.
Gayunman, pagsapit ng Disyembre 19, halos tuluyan na itong nasira matapos kumalat ang anay sa silid, kabilang ang divider ng kwarto.
Sa kabuuang ipon, iisa na lamang na ₱500 polymer bill ang natira sa kanya.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), maaaring ipalit ang mga napinsalang banknote depende sa antas ng pagkasira.
Pinayuhan ang publiko na iwasang mag-imbak ng pera sa mga lugar na maaaring pamugaran ng anay at iba pang peste.










