
Nakabalik na ngayong araw sa kanilang mga tahanan ang nasa 250 pamilyang pansamantalang inilikas sa ibat ibang bahagi ng Cagayan dulot ng Bagyong Kiyapo.
Ayon kay PDRRMO Head Rueli Rapsing, kasabay ng paglayo ng bagyo ay gumanda na rin ang panahon kaya opisyal nang pinayagang makabalik sa kani-kanilang tahanan ang mga inilikas na karamihan ay mula sa bayan ng Camalaniugan at coastal municipalities.
Madadaanan na rin ang lahat ng kalsada at tulay na pansamantalang isinara kahapon habang wala namang naiulat na nasaktan o nasira sa pagdaan ng bagyo.
Sa halip na magdulot ng malaking pinsala, sinabi ni Rapsing na ang ulang dala ng bagyo ay itinuturing na malaking biyaya at tulong para sa sektor ng agrikultura sa lalawigan.
Matatandaan na nasa state of calamity ang probinsiya dahil sa matinding tagtuyot kaya ang ulan mula sa bagyo ay nagsilbing lunas sa pangangailangan ng mga pananim at nakapagpataas ng tubig sa lupa nang hindi nagdulot ng matinding pagbaha.




