Dalawampu’t anim na Pilipino ang kasalukuyang pauwi na sa Pilipinas matapos tanggapin ang alok ng Philippine Embassy sa Israel na sumailalim sa voluntary repatriation.

Ayon sa embahada, umalis na ang mga kababayan natin mula Israel nitong Linggo.

Personal silang sinamahan ni Ambassador Aileen Mendiola at ng DMW-OWWA team sa Allenby Border Crossing upang matiyak ang maayos at ligtas nilang pagtawid patungong Jordan bilang bahagi ng kanilang pag-uwi.

Ayon sa embahada, inasikaso nila ang transportasyon, transit visa, travel documents, at plane tickets ng mga Pilipinong uuwi.

Bago ang kanilang pag-alis, pansamantala silang tumuloy sa shelter ng Department of Migrant Workers (DMW) kung saan nakatanggap sila ng relief packages, libreng legal na serbisyo, at oryentasyon kaugnay sa kanilang mga benepisyo pagdating sa Pilipinas.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), binubuo ng 26 na overseas Filipino workers (OFWs) at isang turista ang batch na ito.

Samantala, patuloy pa ring pinoproseso ang ikalawang batch ng voluntary repatriation na may kabuuang 33 Pilipino.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng pag-iingat ng gobyerno kasunod ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel at Iran. M

atatandaang nagsagawa ng airstrikes ang Israel noong Hunyo 13 laban sa Iran, na agad namang gumanti.

Nakiisa rin ang Estados Unidos sa operasyon sa pamamagitan ng pambobomba sa tatlong nuclear sites sa Iran.

Patuloy namang iginigiit ng Iran na ang kanilang nuclear program ay para sa mapayapang layunin.