
Inatake ang tatlong Pilipinong seafarer sa Southwest England sa isang insidenteng iniimbestigahan bilang posibleng hate crime.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), nangyari ang insidente noong Hulyo 31 sa Avonmouth, England, habang naka-daong ang barkong sinasakyan ng mga Pilipino.
Isa sa mga biktima ang nasa kritikal na kondisyon at kasalukuyang nasa intensive care unit. Dalawa pa ang nagtamo ng minor injuries.
Ayon sa lokal na pulisya, may nakarinig umano ng racist remarks sa mga biktima. Dahil dito, itinuturing ng mga awtoridad ang insidente bilang posibleng hate crime habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nilinaw naman ng pulisya na walang ebidensyang ginamitan ng kutsilyo ang mga biktima, taliwas sa ilang kumakalat na impormasyon online.
Apat na katao na ang naaresto kaugnay ng insidente. Kabilang dito ang isang 19-anyos na lalaki, 45-anyos na lalaki, 17-anyos na binatilyo, at 38-anyos na babae.
Ayon sa pulisya, itinuturing nilang isolated incident case ang insidente.
Samantala, patuloy na nagbibigay ng tulong ang tanggapan ng DMW sa London sa tatlong Pilipino at mahigpit nitong mino-monitor ang kanilang kalagayan.










