
Target ng Pilipinas na madagdagan ng hindi bababa sa 150,000 ang mga Pilipinong seafarer sa pandaigdigang merkado pagsapit ng 2030, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, layunin ng Seafarers’ Voyage Plan 2030 na mapataas mula 28% tungo sa 35% ang bahagi ng Pilipinas sa pandaigdigang bilang ng mga seafarer.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 350,000 hanggang 400,000 Pilipino ang nagtatrabaho bilang mga marino sa iba’t ibang panig ng mundo.
Paliwanag ni Cacdac, inaasahang magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipinong marino ang paglawak ng green economy, kabilang ang paggamit ng alternatibong panggatong sa mga barko at pag-unlad ng digitalization at automation sa industriya.
Bilang bahagi ng plano, palalakasin din ang pagsasanay at muling pagsasanay ng mga marino, gayundin ang proteksiyon sa kanilang karapatan, pagpapatupad ng Magna Carta of Filipino Seafarers at mga mekanismo para sa agarang pagtugon sa krisis at pagpapauwi sa mga manggagawang nangangailangan ng tulong.










