Hinikayat ng tatlong dating rebeldeng New Peoples Army (NPA) ang mga natitirang kasamahan na bumaba na sa kabundukan at boluntaryong magbalik loob sa pamahalaan.
Ang panawagan ay ginawa nina Ka Ranny, Ka Madel at Ka Max kasabay ng pagprisenta sa kanila ng Philippine National Police at Philippine army kasunod ng boluntaryo nilang pagsuko sa tropa ng 5th Infantry Division, Philippine Army at Cagayan Police Provincial Office.
Batay sa rebelasyon ni ka madel, 26-anyos ng rizal, Cagayan na hirap at gutom ang kaniyang naranasan sa kabundukan kung saan dalawang beses umano siyang nakunan sa loob ng apat na taon sa kilusan kung saan siya nagsilbing supply officer ng west front committee ng komiteng probinsiya o komprob Cagayan
Si Ka Madel ay isang agta na na-recruit umano noong 2020.
Pahayag naman ni Ka Ranny, 52-anyos ng Brgy Calasitan, Sto Nino na napagtanto niya na walang kahihinatnan ang paglaban ng mga komunistang grupo kontra sa pamahalaan.
Ito ay batay na rin sa kaniyang naging karanasan sa loob ng 20 taon niya na miembro ng NPA kung saan siya nagsilbing vice commanding officer ng front operational command ng east front KOMPROB Cagayan.
Nagsilbi rin umano siyang squad leader, platoon leader at vice platoon leader ng 2nd platoon at ng squad dos platoon sa ilalim ng Henry Abraham Command pagkatapos siyang pumasok sa kilusan noong 2005.
Ayon kay Ka Ranny na sampu na lang ang natitirang miembro ng NPA sa Cagayan kung saan ay umalis na sila dito sa lalawigan.
Dahil dito, nanawagan ang dating opisyal ng NPA ng pagtutulugan ng bawat sector para hindi na muling lumakas ang kanilang puwersa dahil may posibilidad na magpapadala ang grupo ng mga npa ng ibang lider mula sa ibang rehiyon.
Kabilang din sa sumuko ang isa pang agta na si Alyas Max, 29-anyos ng Rizal, Cagayan kung saan ay nagsilbi rin siyang supply officer ng West Front Committee ng KOMPROB Cagayan.
Ayon kay Police Brig. Gen. Antonio Marallag Jr, regional director ng pnp region 2 na mayroong positibong epekto sa kinakaharap na kasong murder at paglabag sa anti-terrorism act dahil sa pananambang noon sa convoy ng dating provincial director ng PNP Cagayan na ngayon ay si Police Brigadier General Warren Gaspar Tolito ang pagsuko ni Ka Ranny.
Inihayag ni Marallag na malaking tulong sa pagpapanatili ng kaayusan lalo na sa nalalapit na halalan ang pagsuko ng mga naturang lider ng NPA.
Tiniyak naman ni Governor Manuel Mamba ng Cagayan na tutulungan ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan si ka Ranny sa kaniyang kinasasangkutang kaso.
Muling ipinagmalaki ni Governor Mamba na maraming natulungan ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan na mga dating miembro ng npa sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho sa mga ito
Umaasa naman si B/Gen Eugene Mata, brigade commander ng 502nd infantry brigade na magsilbing ehemplo ang ginawa ng tatlo sa mga natitira pang kasapi ng npa na magbalik loob na sa pamahalaan para mamuhay ng paypa at produktibo sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay.
Pinuri niya ang nagging desisyon ng mga nasabing former rebels dahil hindi pa huli ang lahat para sila ay magbagong buhay.
Samantala, kasama ring iprisinta ang iba’t ibang mga narekober na war materials.