
Hawak na ng pulisya ang tatlong indibidwal matapos silang mahuli sa akto ng pagtatangkang magnakaw ng crude oil mula sa isang pasilidad ng cell site nitong madaling araw ng Biyernes, June 5, 2026 sa Tuguegarao City.
Ayon kay PCapt Melody Ballesteros, tagapagsalita ng PNP- Tuguegarao, unang napansin ng mga tauhan sa 24/7 command center sa pamamagitan ng CCTV surveillance ang kahina-hinalang kilos ng isang puting Toyota HiAce Commuter van na nagpaikot-ikot sa paligid ng nasabing cell site.
Nang makita nilang may bumaba mula sa sasakyan at nagtangkang pumasok sa bakuran ng pasilidad, agad na ipinaalam ng mga naka-duty na tauhan ang pangyayari sa himpilan ng pulisya sa Brgy Libag.
Dahil sa mabilis na aksyon, agad na dumating ang mga pulis at nahuli ang tatlong suspek na may edad 21 hanggang 53 taong gulang at mula Tabuk Citry, Kalinga.
Sinabi ni Ballesteros na bagamat wala pa silang natangay na anumang crude oil, nakumpiska mula sa kanila ang 11 plastic gallon at iba pang kagamitan na hinihinalang gagamitin sana sa pagkumpiska at paghakot ng langis.
Bukod dito, dagdag sa kaso na kaharapin ng mga suspek ang narekober sa kanilang kustodiya ang isang improvised na baril, mga bala, hinihinalang shabu at iba pang uri ng kontrabando habang walang kaukulang rehistro ang sasakyang ginamit ng grupo.
Sa ngayon, nakatakda nang isampa laban sa mga suspek ang kasong Attempted Theft at iba pang kaso habang patuloy pa ring isinasagawa ang imbestigasyon upang matukoy kung may kaugnayan ang mga ito sa iba pang naunang kaso ng pagnanakaw at kung sila ay sangkot din sa paggamit o pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.







