
Kinasuhan na ang tatlong suspek sa pagpatay kay Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido, at sa kanyang 8 anyos na lalaki na si John Ysmael ng dalawang bilang ng murder.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), may nakitang prima facie evidence ang prosecutor para kasuhan ang mga suspek na sina car agent Pia Katrina, ang kanyang asawa na si Christian, at kasabwat na si “Gil.”
Nalinis naman ang pangalan ng isa pang suspek na si “Maribel,” kapatid ni Christian sa mga kaso.
Sinabi ng QCPD, ibinasura ang kaso laban sa dating asawa ni Diane na si Police Senior Master Sergeant John Mollenido, na itinuring na person of interest, matapos na pagbigyan ng korte ang kanyang mosyon na tanggalin ang kanyang pangalan sa listahan ng respondents.
Matatandaan na nakita ang bangkay ni Diane noong Enero 24 sa Pulilan Bypass Road sa Barangay Dulong Malabon, Pulilan, Bulacan, na may tama ng bala ng baril sa kanyang ulo.
Makalipas ang limang araw, natagpuan naman ang labi ng kanyang anak sa isang calamansi farm sa Barangay Maluid, Victoria, Tarlac.
Pinatay ang dalawa matapos ang hindi natuloy na bentahan ng sasakyan sa Quezon City noong Enero 16.










