Nasawi ang 30 katao matapos gumuho ang isang malaking tambak ng basura sa isang landfill sa Conakry, Guinea, kasunod ng malakas na pag-ulan nitong Sabado ng gabi.

Nangyari ang insidente dakong alas-2 ng madaling araw sa Gbessia commune, kung saan natabunan ng gumuhong basura ang mga tent at barung-barong na malapit sa landfill.

Ayon sa pamahalaan, anim na katao ang malubhang nasugatan habang 16 naman ang nagtamo ng bahagyang pinsala.

Patuloy ang search and rescue operation sa lugar, gamit ang mga excavator at iba pang kagamitan upang alisin ang mga gumuhong basura. Ayon sa mga saksi, napakalaki ng landslide at posibleng natabunan nito maging ang isang apartment building, bukod sa mga hindi matitibay na tirahan.

Nangyari ang trahedya wala pang isang linggo matapos ipahayag ng pamahalaan ang planong ipasara ang naturang landfill at ilipat ang mga basura sa ibang lugar dahil sa panganib na dulot nito, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil sa matinding pag-ulan, karaniwan sa ilang bahagi ng West Africa ang landslide at biglaang pagbaha na kumikitil ng buhay, partikular sa mga matao at mahihirap na komunidad.

Samantala, nagtungo sa landfill si Prime Minister Amadou Oury Bah upang inspeksyunin ang pinsala at pangasiwaan ang pagtugon ng pamahalaan sa insidente.