Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Energy (DOE) sa pamamagitan ng Philippine National Oil Company (PNOC) na bumili ng 318 milyong litro o 2 milyong bariles ng krudo mula sa iba pang bansa.

Sinabi ni DOE Sec. Sharon Garin sa press briefing sa Malakanyang, ito ay para maka­dagdag sa energy supply ng Pilipinas.

Ayon kay Garin, ang 165 milyong litro ng langis sa 318 milyon kabuuang litro ay inaasahang dada­ting agad sa bansa mula Malaysia, Singapore, India at Oman.

Dahil dito kaya pinawi ng Kalihim ang pangamba ng publiko na mauubusan ng krudo ang Pilipinas dahil sa giyera sa Gitnang Silangan.

Giit ni Garin, kahit wala pa ang UPLIFT committee ay iniutos na ng Pangulo na bumili ang PNOC ng sariling supply para madagdagan ang supply ng ating oil companies.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, patuloy rin aniya ang pakikipag-usap ng pamahalaan sa iba pang bansa para makabili ng karagdagang pagkukunan ng crude oil sa halip na umasa lang sa Middle East o sa Strait of Hormuz.

Nilinaw rin ni Garin na ang 50-araw na oil reserve ay hindi ibig sabihin na mauubos na ito sa loob ng 50 araw, kundi madadagdagan ito sa sandaling dumating sa bansa ang iba pa.