Inihayag ng mga opisyal ng Department of Energy (DOE) na nananatiling sapat ang suplay ng langis ng bansa para sa humigit-kumulang 50 araw, habang inaasahang darating pa ngayong buwan ang karagdagang buffer stocks sa ilalim ng procurement program ng gobyerno.

Sinabi ni DOE Undersecretary Sandy Sales, inaasahang dumating sa bansa ang unang shipment na 900,000 ngayong linggo.

Ayon sa kanya, ang paunang 300,000 bariles ay darating sa Abril 10 mula Malaysia sa pamamagitan ng Singapore, na kinuha sa pamamagitan ng global commodities firm na Vitol.

Dalawa pang shipment na tig-300,000 bariles ang inaasahang darating sa mga susunod na linggo ngayong buwan, na kinontrata sa pamamagitan ng Vitol at Trafigura at manggagaling sa North Asia at India.

Nauna nang sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na ang oil buffer ay kinukuha sa ilalim ng Emergency Energy Security Program sa pamamagitan ng Philippine National Oil Company-Exploration Corporation.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi rin ni Garin na may sapat na oras ang bansa upang makakuha pa ng karagdagang buffer stocks bukod sa kasalukuyang suplay mula sa mga pribadong kumpanya ng langis.