Dahil sa tropical cyclone Basyang, 32 domestic flights ang nakansela nitong Biyernes, ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Apektado ang 7,737 na pasahero.

Kabilang sa mga kanseladong flights ang mga biyahe ng Cebu Pacific Air, CEBGO, at PAL Express mula Manila, Cebu, Dumaguete, Cagayan de Oro, Dipolog, Pagadian, at Ozamiz.

Ayon sa CAAP, ang mga paliparan malapit o nasa ruta ng bagyo ay operational pa rin, tulad ng Surigao, Puerto Princesa, Ozamiz, Tacloban, Calbayog, Catarman, Borongan, Ormoc, Maasin, Hilongos, Catbalogan, Guiuan, Siargao, Butuan, Bislig, Tandag, Iligan, at Pagadian Airports. Walang naitalang pinsala sa pasilidad, at maayos ang tubig at kuryente sa mga terminal.

Subalit, pansamantalang isinara ang Runway 07/25 ng Camiguin Airport mula 9:52 a.m. Biyernes hanggang 4 p.m. Sabado dahil sa pagbaha mula sa umaapaw na creek.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, nakansela ang Cebu Pacific flights DG6695 at DG6696, na nakaapekto sa 67 pasahero.