
Dumating na sa bansa ang kabuuang 338 Pilipino mula sa Middle East nitong Linggo, Marso 29, sakay ng ikaanim na chartered repatriation flight ng pamahalaan.
Ligtas na lumapag ang eroplano sa Villamor Air Base sa Pasay City kung saan sinalubong ang mga returnee ng mga opisyal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kabilang ang Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Foreign Affairs (DFA).
Kabilang sa mga umuwi ang 203 overseas Filipino workers (OFWs), 125 na kaanak, at 10 stranded Filipinos mula sa United Arab Emirates.
Pagdating sa bansa, agad na pinagkalooban ang mga repatriates ng tulong pinansyal, serbisyong medikal, pamasahe pauwi sa kanilang mga probinsya, at pansamantalang matutuluyan habang nasa Metro Manila.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, bunga ito ng koordinadong aksyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang matiyak ang ligtas at maayos na pagbabalik ng mga Pilipinong naapektuhan ng kaguluhan sa Middle East.
Sa kabuuan, umabot na sa 3,248 Pilipino ang natulungang makauwi ng pamahalaan mula sa nasabing rehiyon.
Patuloy naman ang repatriation efforts at pagbibigay ng reintegration support para sa mga nagbabalik na overseas Filipinos.









