
Umabot sa 34 overseas Filipino workers (OFWs) at isang dependent ang ligtas na nakauwi sa Pilipinas mula Qatar nitong Sabado, Mayo 16, sa gitna ng tumitinding tensyon sa ilang bahagi ng Middle East.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), dumating ang grupo sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sakay ng Qatar Airways flight QR934 bilang bahagi ng repatriation program ng pamahalaan.
Sinalubong ang mga repatriate ng mga kinatawan ng DMW, Overseas Workers Welfare Administration, at medical personnel para sa agarang tulong, kabilang ang medical at financial assistance, gayundin ang pansamantalang matutuluyan at transportasyon papunta sa kanilang mga probinsya.
Patuloy namang mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon sa Middle East habang inaasahan pa ang posibleng pagdami ng mga OFW na uuwi dahil sa seguridad at instability sa rehiyon.










