Nananatiling suspendido ang klase sa humigit-kumulang 3,500 paaralan sa Mindanao mahigit isang linggo matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa rehiyon noong Hunyo 8, ayon sa Department of Education (DepEd).

Karamihan sa mga paaralang hindi pa nakakabalik sa normal na operasyon ay nasa Region XI o Davao Region at Region XII o SOCCSKSARGEN.

Sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Malapatan National High School sa Sarangani, iniutos nito ang patuloy na pagsusuri sa mga apektadong paaralan at pagtukoy sa mga gurong naapektuhan upang mabigyan ng tulong pinansyal at pabahay.

Ayon sa DepEd, nasa 5,590 paaralan na ang muling nagbukas ngunit libo-libo pa ang hindi makapagpatuloy ng klase dahil sa pinsala sa mga pasilidad at isyu sa kaligtasan.

Kabilang sa matinding naapektuhan ang Malapatan National High School kung saan 22 silid-aralan ang tuluyang nasira.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na nagpapatuloy ang paglilinis, pagkukumpuni at engineering assessments bago pahintulutang makabalik sa face-to-face classes ang mga estudyante.

Tinatayang P363.5 milyon ang kinakailangan ng DepEd para sa agarang pagtugon sa mga nasirang paaralan. Samantala, pito pang paaralan sa Sarangani ang ginagamit bilang evacuation centers.