Tuguegarao City- Nilinaw ni 3rd District of Cagayan Congressman Jojo Lara na ang pag-aalok ng pasilidad ng kanilang hotel sa Department of Health (DOH) Region 2 upang gawing storage ng Sputnik V vaccines ng Gamaleya ay dumaan sa pag-uusap at tamang inspeksyon.
Ginawa ng opisyal ang pahayag bunsod ng kaliwa’t kanang mga issue sa kanilang hanay matapos ang isinagawang pagbabakuna ng Sputnik V sa mga residente ng Enrile at Solana.
Sinabi ni Lara na una ng may naganap na pag-uusap sa pagitan ng DOH Region 2 kung saan isa sa pangunahing layunin ng pag-aalok sa pasilidad ay upang ma-acomodate ang pagdating ng mga bakunang makatutulong sa vaccination program sa probinsya.
Aniya, ang Sputnik V ay isa sa mga bakunang nangangailangan ng 18-20 degree celsius na temperatura kung saan ay mayroon naman silang bakanteng pasilidad na maaring gamitin kaya’t boluntaryo itong ipinahiram ng walang bayad dahil wala pa namang cold storage facilities sa probinsya.
Nais lamang umano nila na hindi malimitahan ang pagdating ng iba pang brand ng mga bakuna upang makasabay ang probinsya sa mga lugar sa rehiyon na may kakayahan ng tumanggap ng Sputnik v at Pfizer vaccines tulad ng probinsya ng Isabela at Quirino.
Dahil aniya sa estado ng Tuguegarao City na nakakapagtala ng mataas na kaso ng virus at patuloy sa pagpapatupad ng pinakamahigpit na mga quarantine status ay inialok nila ang pasilidad ng kanilang hotel.
Paliwanag aniya ng DOH na dapat ay doon na rin gawin ang pagbabakuna upang maiwasan ang posibilidad ng pagkasira sa efficacy ng mga bakuna dahil sa distansya at iluluwas pa ang mga ito patungo sa mga bayan.
Mayroon din aniya silang otomatikong transfer switch na magagamit para sa generator sets sa kaling magkaroon ng brownout na kayang panatilihin ang temperatura ng storage facility kaya’t hindi ito masisira.
Binigyang diin niya na bukod sa pag-aalok ng pasilidad para sa mga bakuna ay wala na silang partisipasyon sa pamamalakad ng vaccination program dahil tanging ang DOH na ang may kontrol nito lalo na ang pagsusumiti ng listahan ng mga dapat mabakunahan.
Nilinaw din niya na ang mga kumakalat sa social media kaugnay sa umano’y mga inilagay na tarpaulin sa lugar na pinagdausan ng vaccination ay matagal ng nakalagay doon at ito ay mga babala sa pag-iwas ng COVID-19 nang pinapayagan pang mag-operate ang kanilang hotel at restaurants nito.
Samantala, sa opisyal na pahayag ng DOH Region 2, ipinunto ng ahensya na isa sa mandato ng national government ang pagbibigay prioridad na mabigyan ng bakuna ang mga lugar na kabilang sa NCR+10 kasama na ang lungsod ng Tuguegarao na una namang nagpahayag ng pansamantalang pagtanggi dahil sa kakulangan pa ng cold storage facilities at kakulangan ng paghahanda para sa mga taong nakatakdang makatanggap nito.
Dahil dito, nagpasya din ang ahensya na ibigay ang slot ng mga bakuna sa mga residente ng Solana at Enrile na nakabatay sa isinumiting master list ng mga priority group.
Kaugnay nito ay inalmahan din ng Provincial Health Office ng Cagayan ang naging pahayag ng DOH Region 2 na idinulog nila sa Provincial Vaccination Operations Center ang nagyaring pagbabakuna ng sputnik v sa mga residente ng Solana at Enrile.
Sa inilabas na pahayag ng Provincial Health Office sa pamamagitan ng Cagayan Provincial Information Office ay sinabi ni Dr. Carlos Cortina na wala silang ibinigay na pahintulot na ibakuna ang Sputnik V sa kahit saang bayan sa Cagayan.
Iginiit din niya na walang pormal na sulat o kahilingan ang DOH sa kanilang tanggapan upang isulong ang pagbabakuna gamit ang Sputnik V.