
Aabot sa 40 panukalang batas na kabilang sa mga prayoridad ng administrasyong Marcos at ng 20th Congress ang nananatiling nakabinbin sa Senado.
Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, bahagi ang mga ito ng 53 Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) bills na itinuturing na mahalagang mga panukala ng ehekutibo at lehislatura.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na ilan sa mga naturang panukala ay hindi na naisulong sa huling bahagi ng unang regular na sesyon ng 20th Congress dahil sa mga isyung at kontrobersiyang kinaharap ng Senado.
Karamihan sa mga nakabinbing panukala ay may kaugnayan sa enerhiya, ekonomiya, at edukasyon na layuning mapalakas ang iba’t ibang sektor ng bansa.
Tiniyak naman ng Senate President na magpapatuloy ang pagtalakay sa mga panukalang ito kahit magsilbi ang Senado bilang impeachment court. Aniya, handa siyang magpatawag ng all-senator caucus kung kinakailangan upang mapag-usapan at maisulong ang mga mahahalagang panukala habang isinasagawa ang paglilitis.
Dagdag pa niya, balak ding anyayahan ang mga eksperto at iba pang resource persons upang magbigay ng mas malalim na paliwanag tungkol sa mga panukala at matulungan ang mga senador sa pag-aaral at pagdedesisyon ukol sa mga ito.










