Aabot sa 400 magsasaka sa bayan ng Baggao, Cagayan ang nabigyan ng Accident Insurance Policy sa ilalim ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) Region 2 sa pakikipagtulungan ng Provincial Government of Cagayan.

Sa ilalim ng kasunduan sa pagitan ng Provincial Government of Cagayan at Philippine Crop Insurance Corporation, ang pamahalaang panlalawigan ang sumagot sa P73 na premium para sa bawat benepisyaryo.

Personal na pinangunahan ni Governor Edgar Aglipay ang pamamahagi ng mga insurance policy kung saan hindi lamang ang mga dumalo ang makikinabang sa programa dahil target na mabigyan ng accident insurance ang kabuuang 5,000 magsasaka at mangingisda sa buong bayan ng Baggao.

Nabatid na ang mga benepisyaryo ay natukoy sa pamamagitan ng Provincial Office for People Empowerment (POPE) na direktang nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay.

Ang listahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo ay isinailalim sa masusing beripikasyon ng Municipal Agriculture Office at Office of the Provincial Agriculturist upang matiyak na ang tunay na karapat-dapat ang makatatanggap ng insurance.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, opisyal nang nakarehistro sa PCIC ang mga magsasaka at mangingisda at maaari nang makinabang sa mga benepisyong nakapaloob sa insurance program.

Sa oras na maaksidente habang ginagampanan ang kanilang hanapbuhay, maaaring makatanggap ang isang rehistradong magsasaka o mangingisda ng hanggang P50,000 na insurance benefit, depende sa uri ng pinsalang natamo at sa umiiral na patakaran ng PCIC.

Ayon sa mga opisyal ng POPE, ang prayoridad na mabigyan ng insurance ay ang mga magsasakang may dalawang ektarya pababa ang lawak ng sinasakang lupa, bilang bahagi ng layunin ng pamahalaang panlalawigan na matulungan ang maliliit na magsasaka na higit na nangangailangan ng suporta.

Binigyang-diin ni Governor Aglipay na nararapat lamang na mabigyan ng karagdagang proteksiyon ang mga magsasaka at mangingisda dahil malaki ang kanilang ambag sa pagpapanatili ng sapat na suplay ng pagkain, hindi lamang sa lalawigan ng Cagayan kundi maging sa buong bansa.

Aniya, bahagi lamang ito ng mas malawak na programa ng kanyang administrasyon upang mapabuti ang kalagayan ng sektor ng agrikultura at matiyak na may sapat na suporta ang mga magsasaka at mangingisda sa panahon ng sakuna at iba pang hindi inaasahang pangyayari.

Labis naman ang pasasalamat ng mga magsasaka at mangingisda gaya ni Florentino Gamata ng Barangay Hacienda Intal na nagpahayag ng kanyang taos-pusong pasasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan dahil sa pagbibigay sa kanila ng insurance coverage na magsisilbing proteksiyon sa oras ng hindi inaasahang pangyayari.

Ayon kay Gamata, malaking ginhawa ang naturang programa para sa mga magsasakang tulad niya na limitado ang kita at kadalasang nahaharap sa iba’t ibang panganib habang nagtatrabaho sa bukid. Umaasa rin siyang magpapatuloy at lalo pang mapapalawak ang programa upang mas marami pang magsasaka at mangingisda ang makinabang.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Romy Gajes ng Barangay Lasilat dahil isa ito sa mga ipinangako ni Governor Edgar Aglipay noong panahon ng kampanya na ngayon ay unti-unti nang naipatutupad.

Dagdag pa niya, nararapat lamang na mabigyan ng ganitong benepisyo ang mga magsasaka dahil sila ang pangunahing nagsisiguro ng suplay ng pagkain para sa bawat pamilyang Pilipino.

Samantala, sinabi naman ni Angelito Samoy ng Barangay Hacienda Intal na malaking tulong ang insurance dahil hindi na gaanong mabibigatan ang kanyang pamilya sa gastusin kung sakaling magkaroon siya ng aksidente habang nagtatrabaho sa bukid.

Ayon sa kanya, nagbibigay ito ng kapanatagan ng loob dahil may maaasahang ayuda sa oras ng pangangailangan.

Bukod sa insurance program, inihayag din ni Governor Aglipay ang planong pagtatayo ng isang Corn Processing Center sa bayan ng Baggao.

Ang proyekto ay naglalayon na matulungan ang mga corn farmer na magkaroon ng mas mataas na halaga ang kanilang ani, mabawasan ang gastos sa pagproseso ng mais, at madagdagan ang kanilang kita.

Inaasahan ng pamahalaang panlalawigan na sa pamamagitan ng mga programang tulad ng accident insurance at pagtatayo ng Corn Processing Center ay higit pang mapapalakas ang sektor ng agrikultura at mapapabuti ang kabuhayan ng libu-libong magsasaka at mangingisda sa lalawigan ng Cagayan.