
Limang magkakapamilya ang narescue matapos tangayin ng malalakas na alon ang kanilang bangka sa karagatang sakop ng Calayan, Cagayan.
Kinilala ang mga biktima na sina Lauro Duerme, 47-anyos; Jason Paul, 17-anyos, Jason, 18-anyos; Jeffrey, 31-anyos; Reymalin Crusado at Roel na pawang mga residente sa naturang isla.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PMaj Mario Maraggun, hepe ng Calayan Police Station, patungo sa isla ng Camiguin ang mga biktima upang kunin ang biniling bangka subalit sumalubong sa kanila ang malalakas na alon hanggang sa pinasok ng tubig ang kanilang motorized banca.
Kaagad namang rumesponde ang tauhan ng PNP, Philippine Coast Guard at LGU-Calayan gamit ang “Eagle Ferry” matapos matanggap ang tawag mula sa mga biktima na nagpaparescue.
Nakita ang mga biktima sa layong 1 nautical mile sa isla ng Calayan at matagumpay na nailigtas subalit hindi na mapakinabangan pa ang kanilang bangka na nasira matapos hampasin ng malalaking alon.
Sa ngayon ay nasa maayos nang kalagayan ang mga biktima at itinakda na lamang sa ibang araw ang kanilang inter-island travel.




