Arestado ang 55 katao matapos buwagin ng mga pulis ang mga kampo ng mga nagpoprotesta laban sa lumalalang krisis sa pabahay sa Lisbon at Porto, Portugal, bago magbukang-liwayway nitong Martes.

Matagal nang nananatili ang mga aktibista sa Rossio Square sa Lisbon, kung saan nagtayo sila ng humigit-kumulang 200 tolda mula pa noong Sabado.

Samantala, nasa 10 araw nang okupado ng mga nagpoprotesta ang Dom Joao I Square sa Porto.

Ayon sa pulisya, inaresto ang mga tumangging kusang umalis sa mga lugar matapos sabihang ilegal ang kanilang mga kampo.

Dalawa naman ang nagtamo ng minor injuries at agad na nabigyan ng lunas.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, tinawag ng tagapagsalita ng mga nagpoprotesta sa Lisbon na agresibo ang operasyon at nangakong magpapatuloy ang kanilang kilos-protesta.

Patuloy na nahaharap ang Portugal sa matinding krisis sa pabahay, kung saan mahigit doble na ang presyo ng mga bahay mula noong 2017 at halos dumoble rin ang renta sa mga bagong kontrata.

Ipinanawagan ng mga nagpoprotesta na bawiin ng pamahalaan ang panukalang magpapadali sa pagpapaalis sa mga umuupa at mag-aalis ng limitasyon sa renta para sa mga bagong kontrata.