
Muling inaresto ng mga awtoridad si vlogger Norman Mangusin, na mas kilala bilang Francis Leo Marcos, dahil sa umano’y ilegal na paggamit ng uniporme ng pulis.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), dinakip si Mangusin nitong Huwebes ng hapon sa isang hotel sa Parañaque City.
Nag-ugat ang kaso sa larawang inilathala niya sa social media noong Pebrero 2026 kung saan nakasuot siya ng uniporme ng pulis.
Pinaalalahanan naman ng PNP ang publiko na ipinagbabawal ang pagsusuot ng uniporme ng pulis sa mga hindi awtorisadong indibidwal.
Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Allen Rae Co, korte na ang magpapasya kung maaari siyang makapagpiyansa dahil sa summary proceedings ang paghawak sa kaso.
Ilang beses na ring naaresto si Mangusin sa mga naunang kaso, kabilang ang umano’y paglabag sa Optometry Law, unjust vexation at cyberlibel. Na-release siya matapos makapagpiyansa sa mga naturang kaso.










