Inaresto ng National Bureau of Investigation ang anim na kataong tinangka umanong manipulahin ang vote-counting machines para manalo ang isang kumakandidato sa pagka-Alkade sa Iba, Zambales.Sports equipment
Nadakip ang mga suspek sa ikinasang entrapment operation ng NBI sa isang hotel sa lungsod ng Quezon noong Mayo 8.
Nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek matapos isuplong ng isang kandidato sa pagka-Alkalde sa naturang bayan na si Atty. Genaro Montefalcon na inalok ng grupo na manipulahin ang mga resulta para siya’y manalo sa eleksiyon.
Ayon sa NBI, lumapit kay Montefalcon noong Abril sina Teody Abalos at Cherrylyn Adriano. Sinabi ng dalawa na may koneksiyon sila sa loob ng Comelec at inalok ang pag-secure sa kaniyang panalo kapalit ng P30 million.
Nagpakilala din si Abalos na pamangkin umano ng senatorial candidate na si dating DILG Secretary Benhur Abalos at apo ni dating Comelec chairman Benjamin Abalos.
Para mahuli ang mga suspek, nagkasa ng operasyon ang NBI Special Task Force. Humingi ang mga suspek ng down payment na P15 million. Nang ipasakamay na ang marked money, doon na inaresto ng NBI agents ang mga suspek.
Kabilang sa mga nadakip ay sina Roland Ucab, Teody Abalos, Joseph Ong, Cherrylyn Adriano, Ralp Edward Salas, at Francis James Mapua.
Nahaharap ang grupo sa patung-patong na kaso kabilang ang estafa, usurpation of authority, at paglabag sa Automated Election System Law.