
May 60% na posibilidad na itaas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang interest rates ngayong taon dahil sa pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng tensyon sa Middle East.
Sa ulat ng Japanese investment bank, posibleng taasan ng BSP ang policy rate ng kabuuang 0.5 percentage point, kung saan maaaring magsimula ang unang 0.25-point hike sa Monetary Board meeting sa Abril 23. Maaaring sumunod ang isa pang pagtaas sa ikatlong quarter, na magdadala sa key rate sa 4.75%.
Ayon sa Nomura, inaasahan ding mabagal ang paglago ng ekonomiya kaya posibleng ibalik o bawasan ang mga taas-singil sa 2027 kapag bumalik na sa target ang inflation.
Tinataya rin ng bangko na maaaring bumagal sa 5% ang economic growth ng Pilipinas sa 2026 at tumaas ang inflation sa average na 4.9%, na lampas sa target range ng BSP na 2% hanggang 4%.
Ibinabala rin na maaaring maranasan ng Pilipinas ang isa sa pinakamalalang “stagflation” sa Asya—ang sabay na mataas na inflation at mabagal na ekonomiya—dahil sa tumataas na presyo ng enerhiya at limitadong fiscal space ng gobyerno.
Samantala, posibleng unahin ng BSP ang pagpapatatag ng presyo kaysa sa paglago ng ekonomiya, alinsunod sa mandato nito na panatilihin ang price stability.




