
Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) ang patuloy na proteksyon at ayuda para sa pitong Filipino seafarers na nasugatan matapos ang napaulat na drone attack sa container ship na San Antonio sa Strait of Hormuz noong May 5.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, ligtas ang lahat ng pitong Pinoy crew members at kasalukuyang nagpapagamot sa ospital.
Sa pitong nasugatan, apat ang nagtamo ng minor injuries habang tatlo naman ang nasa intensive care unit o ICU.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DMW sa mga ospital at kinauukulang awtoridad upang masigurong maayos ang pagpapagamot at kalagayan ng mga nasugatang seafarers.
Tiniyak din ng ahensya na patuloy nilang babantayan ang sitwasyon at magbibigay ng kinakailangang tulong sa mga apektadong seafarers at kanilang pamilya.










