Pitumpung porsyento ng mga Pilipino ang naniniwalang dapat sagutin ni Vice President Sara Duterte ang mga kasong impeachment na isinampa laban sa kanya, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).

Batay sa Second Quarter 2026 Social Weather Survey na isinagawa noong Hunyo 20 hanggang 29, 70% ng mga respondent ang sumang-ayon na dapat harapin ni Duterte ang mga paratang upang maipaliwanag ang lahat ng alegasyon ng katiwalian laban sa kanya. Labintatlong porsyento ang hindi makapagpasya, habang 17% ang hindi sumang-ayon. Tumaas din ang net agreement score sa +52 mula sa +47 noong Marso 2026.

Ipinakita rin ng survey na 74% ng mga Pilipino ang may kaalaman na nasa Senado na ang impeachment case laban kay Duterte at nakatakdang litisin. Pinakamataas ang antas ng kaalaman sa Metro Manila na may 79%, sinundan ng Mindanao na may 77%, Balance Luzon na may 74%, at Visayas na may 69%. Mas mataas din ang awareness ng mga nakapagtapos ng kolehiyo kumpara sa iba pang antas ng edukasyon.

Pinakamataas ang net agreement na dapat sagutin ni Duterte ang impeachment sa Visayas na may +58, kasunod ang Balance Luzon na may +56, Metro Manila na may +49, at Mindanao na may +42. Tumaas ang bilang sa Visayas, Mindanao at Balance Luzon kumpara noong Marso, habang bahagyang bumaba sa Metro Manila.

Isinagawa ang face-to-face survey sa 1,200 adult respondents sa buong bansa, na may tig-300 kalahok mula sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas at Mindanao. Mayroon itong ±3% margin of error sa pambansang antas at ±6% sa bawat rehiyon. Ayon sa SWS, isinagawa ang survey sa sarili nitong inisyatiba at inilabas bilang pampublikong serbisyo.

-- ADVERTISEMENT --