Naiuwi na ang mga labi ng 75 taong gulang na lalaki na namatay matapos ang vehicular accident sa Barangay La Suerte, Amulung, Cagayan.

Kinilala ni PLT Rosa Maribbay, deputy chief of police ng Municipal Police Station ng Amulung ang biktima na si Efren Balot, residente ng Masoc, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Batay sa imbestigasyon, nakitulog sa isang farm ang biktima sa kalapit na lugar ng Brgy. La Suerte, at pauwi na sa kanilang bayan nang mangyari ang aksidente.

Ayon kay Maribbay, posibleng naidlip ang biktima habang minamaneho niya ang kanyang sasakyan, dahil hindi naman umano accident prone area ang pinangyarihan ng aksidente.

Sinabi ni Maribbay na mabilis na napunta sa kabilang linya ng kalsada ang sasakyan hanggang sa mabangga ang bakal na barikada at sumalpok sa isang tricycle at motorsiklo na nakaparada sa gilid ng daan.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil sa lakas ng impact, agad na namatay ang biktima dahil sa matinding pinsala sa kanyang ulo.

Sinabi ni Maribbay na nasa kustodiya pa rin ng kanilang himpilan ang sasakyan ng biktima.