
Hinamon ni Davao City Representative Paolo Duterte si Pangulong Bongbong Marcos na isa-isahin nang malinaw ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa nalalapit na State of the Nation Address o SONA.
Sa isang statement, pumalag si Duterte sa pangamba ni Marcos na mag-iba ang mga polisiyang naipatupad ng gobyerno kapag si VP Sara ang nanalong presidente sa 2028.
Iginiit ni Congressman Pulong na dapat ilatag ng pangulo ang mga repormang sinasabi nito at hindi puro “English buzzwords”, bagong slogans at umano’y scripted na palakpakan mula sa mga kongresista na nakapila para mag-standing ovation.
Ang nais aniya ng publiko na marinig ay resulta at hindi puro production number.
Buwelta ng kapatid ni VP Sara, habang naghahanda sa panibagong talumpati si Marcos ay naghahanda naman ang mga Pilipino sa panibagong taas-presyo, pagbaha at pasakit sa araw-araw na maituturing umanong tunay na report card.
Punto pa ng mambabatas, sa halip na mangamba kung sino ang hindi magtutuloy ng legasiya ng presidente, ang mas malaking tanong ay kung may pamana ba itong iiwan na higit sa mga talumpati at photo opportunities.
Hindi umano standing ovation sa Batasan Pambansa ang magpapasya kung matagumpay ang isang pangulo kundi mismong ang mga Pilipinong naghihintay pa rin ng pagbabago na ipinangako noong 2022.










