
Sasampahan ng kaukulang kaso ang passenger at cargo firm na Aleson Shipping Lines, Inc., gayundin ang ilang tauhan ng Maritime Industry Authority (MARINA) at ng Philippine Coast Guard (PCG) bunsod ng umano’y kapabayaan at safety lapses, na nagresulta sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 na ikinasawi na ng 52 indibidwal.
Sa isang pulong balitaan, tiniyak ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na pananagutin ng DOTr ang shipping line at ang mga ahensiya ng gobyerno na nagkaroon ng kapabayaan na nagresulta sa trahedya.
Ikinagagalit ng kalihim na nagawang makapaglayag ng MV Trisha Kerstin 3 sa kabila ng pagkakaroon ng safety deficiencies sa kanilang passenger capacity certification, drydock/repair compliance at seaworthiness certification.
Sinabi rin ni Lopez na kabilang sa mga isyung natuklasan ng mga imbestigador ng Marina na posibleng dahilan nang paglubog ng barko ay ‘overloading’ sa mga pasahero at mga cargo, non-utilization ng weigh bridge sa Global Port Zamboanga Terminal Inc. ng rolling cargoes at private vehicles, at inconsistencies sa bilang ng mga tao sa Passenger Manifest, kumpara sa aktuwal na pasaherong nakasakay sa barko.
Kaugnay nito, ipinag-utos rin ni Lopez ang pagsibak sa walong Marina personnel, kabilang na ang mismong Zamboanga Regional Director, at limang PCG personnel, na siyang nagsagawa ng pre-departure inspection, gayundin ang Zamboanga Station Commander dahil sa command responsibility.
Inatasan din naman ni Lopez ang Marina na agarang maghain ng administrative charges laban kina Zamboanga Regional Director Engr. Jedini Nur Sibal, Marina Shipping Operations Specialist Engr. Bevin Bibi, at Marina Shipbuilding Specialist II Jose Ray Quimiguing dahil sa neglect of duty.










