Nagkamalay na ang lalaking siyam na taong gulang na na-coma dahil umano sa panggugulpi ng ilang High School students sa Iligan City, Lanao del Norte.
Ayon sa ama ng biktima na nakauwi pa ang kaniyang anak pero dinala nila sa ospital noong August 4 matapos dumaing na masakit ang ulo.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang biktima kasama ang isang kapitbahay nang abangan sila ng apat na suspek.
Nakatakas ang kasama ng biktima kaya hindi na nito nakita kung ano ang ginawa ng mga suspek sa bata.
Sa naunang ulat, inihayag ng mga opisyal ng barangay, nag-ugat ang gulo dahil sa ginawa umanong pag-awat ng biktima sa dalawa pang bata na nag-aaway din.
Ayon sa pulisya, hihingan nila ng pahayag ang biktima kapag bumuti na ang kalagayan nito upang malaman kung ano talaga ang nangyari sa kaniya.