
Iginiit ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na ipinakita ng Philippine National Police o PNP ang nararapat na respeto kay Vice President Sara Duterte sa kabila ng pahayag nitong hindi siya komportable at hindi nagtitiwala sa mga pulis.
Ayon kay Remulla, may body camera footage ang mga pulis na nagpatupad ng warrant laban kay Duterte at sa pagpunta nito sa Quezon City Hall of Justice upang mag-post ng piyansa. Sinabi rin niyang alam ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng bise presidente bago siya nagtungo sa korte, ngunit hindi umano agad ipinatupad ang warrant.
Samantala, sinabi ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na wala pang naiuulat si Duterte na partikular na banta sa kanyang buhay o sa kanyang pamilya, at wala ring na-verify na banta laban sa kanila. Gayunman, tiniyak ng PNP na patuloy nitong imo-monitor ang sitwasyon at bukas sa pagtanggap ng anumang ulat o ebidensiya hinggil sa mga sinasabing banta.
Nag-post si Duterte ng kabuuang P360,000 piyansa para sa tatlong counts ng grave threats na isinampa kaugnay ng kanyang mga pahayag laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.




