
Iginiit ng isang opisyal ng House Committee on Appropriations na hindi namulitika ang Kamara sa pagbuo ng bersyon nito ng panukalang 2027 national budget at nakabatay lamang umano ito sa pangangailangan ng mga komunidad.
Ayon kay Bataan 2nd District Representative Albert Garcia, lehitimo ang mga pagbabagong ginawa ng Kamara sa panukalang budget dahil nagmula ang mga ito sa mga kahilingan ng iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan sa ilalim ng bottom-up budgeting.
Pinabulaanan din ni Garcia ang alegasyon na umabot sa isang trilyong piso ang mga insertion sa panukalang budget, at iginiit na walang pork barrel o kuwestiyonableng singit sa bersyon ng Kamara.
Nauna rito, kinuwestiyon ni House Deputy Minority Leader Antonio Tinio ang malalaking pondong inilaan sa ilang district engineering office ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kabilang ang mga distritong sakop ng mga lider ng Kamara.
Kabilang sa may pinakamalaking panukalang alokasyon ang Ilocos Norte 1st District na may ₱4.79 bilyon, Nueva Ecija 1st District na ₱3.91 bilyon, Bulacan 2nd District na ₱3.5 bilyon, Isabela 4th District na ₱3.1 bilyon at Metro Manila 3rd District na ₱2.99 bilyon.
Samantala, sinabi ni Garcia na bukas ang Kamara sa mga mungkahing pagbabago ng Senado sa pagtalakay ng bicameral conference committee, partikular sa mga proyektong may kulang na dokumento o hindi wastong geotagging.










