Tuluyan nang ibinasura ni Naga City Mayor at dating Vice President Leni Robredo ang posibilidad na tumakbo sa anumang pambansang posisyon sa 2028 elections, at iginiit na walang makapagpapabago sa kanyang desisyon.

Ayon kay Robredo, matagal na niyang napagpasyahang manatili sa Naga City at hindi gamitin ang kanyang panunungkulan bilang alkalde bilang paghahanda o tuntungan sa pagbabalik sa national politics.

Binigyang-diin din niyang kahit hindi na siya muling tumakbo bilang mayor sa hinaharap, hindi na rin siya babalik sa anumang pambansang posisyon.

Inamin ni Robredo na may ilang sektor na humihimok sa kanya na kumandidato sa 2028, lalo na matapos lumabas sa OCTA Research Group survey na lumiliit ang agwat ng kanyang rating kay Vice President Sara Duterte sa hypothetical presidential matchup.

Gayunman, sinabi ni Robredo na sa Naga na niya nais tapusin ang kanyang serbisyo sa pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw rin ng alkalde na hindi nila napag-usapan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Transportation Secretary Vince Dizon ang usapin ng 2028 elections sa kanilang pagbisita kamakailan sa Naga City.