Tinawag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na “big fish” si Leyte Representative Martin Romualdez matapos magsampa ang kanyang tanggapan ng plunder case laban dito at tatlo pang indibidwal kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.

Ayon kay Remulla, hindi pa ito ang huling kaso at inaasahan ang sunod-sunod pang pagsasampa ng mga kaso laban sa iba pang sangkot sa kontrobersiya.

Inakusahan ng Ombudsman si Romualdez na nakalikom umano ng P7.4 bilyong kickback mula sa mga proyekto ng gobyerno mula 2022 hanggang 2025. Kabilang umano sa mga pinagmulan nito ang mga contractor at iba pang may interes sa flood control, infrastructure at iba pang government projects.

Iginiit ni Remulla na walang pinoprotektahan ang kanyang tanggapan at ang pagsasampa ng kaso ay nakabatay sa ebidensiya, anuman ang pangalan o posisyon ng taong sangkot.

Si Romualdez ay dating kasamahan ni Remulla sa Kamara at pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa kay Remulla, layunin ng Ombudsman na panagutin ang sinumang mapatunayang may pananagutan sa mga anomalya.