
Nagpalitan ng argumento ang defense at prosecution sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa umano’y paglabag sa Data Privacy Act sa pagkuha ng civil registry records ng mga benepisyaryo ng confidential funds.
Sa cross-examination, tinanong ng defense lawyer na si Justin Gular ang PSA Assistant National Statistician na si Marizza Grande kung hiningi nito ang pahintulot ng mga taong nakalista sa acknowledgment receipts bago suriin ang kanilang civil registry records. Inamin ni Grande na wala siyang hininging consent.
Iginiit ng defense na sensitibong personal na impormasyon ang laman ng civil registry records. Tumutol naman ang private prosecutor na si Mae Divinagracia at sinabing may probisyon sa Data Privacy Act na nagpapahintulot sa pagproseso ng personal na impormasyon kung may lehitimong layunin, kabilang ang imbestigasyon ng isang government agency.
Ipinaliwanag ni Grande na may sinusunod na mga proseso ang PSA para makasunod sa Data Privacy Act. Sinabi rin niyang maaaring ilabas ang impormasyon kung may lehitimong layunin at kung ang impormasyong ibinibigay ay naaayon sa hinihingi ng requesting agency.
Patuloy ang pagdinig ng impeachment court sa mga alegasyon kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.






