Nakumpiska ng mga awtoridad ang tinatayang anim na kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P40.8 milyon sa isinagawang buy-bust operation sa Taytay, Rizal ngayong Setyembre 14.

Isinagawa ang operasyon sa Sitio Dulong Bangiad, Barangay San Juan, Taytay, ng magkasanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine Coast Guard (PCG), at Philippine National Police (PNP).

Tatlong lalaki ang naaresto sa operasyon na kinilalang sina alyas “Diogen,” 32-anyos, “Muhammad,” 31-anyos, “Eddienel,” 43-anyos.

Bukod sa hinihinalang ilegal na droga, nasamsam din sa mga suspek ang iba’t ibang baril at bala, kabilang ang isang M1 carbine rifle, isang M16 rifle at apat na caliber .45 pistol.

Narekober din ang mga magazine, digital weighing scale, cellphone at buy-bust money na ginamit sa transaksyon.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nakatakas naman ang isa pang suspek na kinilalang alyas “Abdila” at patuloy pang tinutugis ng mga awtoridad.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5, kaugnay ng Section 26 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.