
Exempted sa election spending ban ang P12 kada litrong fuel subsidy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga PUV driver.
Kasama rin sa exemption ang Libreng Sakay at buwanang ayuda sa ilalim ng Public Transport Modernization Program.
Ayon sa COMELEC, hindi naman saklaw ng exemption ang pamamahagi ng social assistance sa ilalim ng TUPAD, AKAP, AICS at 4Ps mula Oktubre 23 hanggang Nobyembre 2, maliban sa medical at burial assistance.
Gayunman, ipinagbabawal pa rin ang pagdalo ng mga elective official, kandidato, nominee at aspirant sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng mga naturang programa.
Inatasan ang LTFRB na sumunod sa mga alituntunin ng Department of Social Welfare and Development o DSWD, Department of Labor and Employment o DOLE at iba pang kaukulang ahensya.
Maaaring bawiin ang certificate of exemption ng LTFRB kapag nilabag ang mga itinakdang alituntunin.
Nauna nang sinuspinde ng LTFRB ang pamamahagi ng P12 kada litrong fuel subsidy dahil sa election ban sa paggamit at paglalabas ng pondo bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Nobyembre 2.
Saklaw ng election ban ang pagpapalabas, pag-disburse at paggastos ng pampublikong pondo mula Setyembre 18 hanggang Nobyembre 1.










