Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na maaaring maparusahan ang mga transport operator na hindi magpapasada sa gitna ng nakatakdang transport strike.

Ayon kay LTFRB acting chairman Greg Pua Jr., maaaring patawan ng show-cause order at pagmultahin ng P5,000 ang operator sa unang paglabag sa kondisyon ng kanilang prangkisa.

Kapag naulit ang paglabag, maaari namang masuspinde at tuluyang makansela ang prangkisa at maaari ring ideklarang abandoned ang prangkisa ng isang fleet operator kung mas mababa sa 60% ng mga unit nito ang bumibiyahe sa itinakdang panahon.

Nakatakdang magsagawa ng transport strike ang grupong Manibela mula ngayong araw hanggang Miyerkules, habang magsasagawa naman ng protesta ang Piston sa Setyembre 29 at 30.

Epektibo na ngayong araw ang bagong taas-pasahe sa mga pampublikong sasakyan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa abiso ng LTFRB, magiging P14 na ang minimum fare ng traditional jeepney sa unang apat na kilometro, mula P13, habang P2 na ang dagdag sa bawat susunod na kilometro.

Para naman sa modern jeepney, tataas sa P17 ang minimum fare mula P15, habang magiging P2.40 mula P2.20 ang bayad sa bawat susunod na kilometro.

Sa ordinary Metro at City bus, magiging P15 ang base fare sa unang kilometro, na may dagdag na P2.49 kada susunod na kilometro, habang sa air-conditioned bus naman, P18 ang base fare at P2.98 kada susunod na kilometro.

Sa mga TNVS, magiging P65 ang base fare para sa sedan, P75 sa AUV o SUV, P55 sa hatchback at P165 para sa premium vehicle.

May dagdag namang P15 kada kilometro para sa pick-up fare.