
Maglulunsad ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC ng mga kampanya para palakasin ang digital online safety ng mga kabataan kasunod ng mga insidenteng may kinalaman sa school shooting.
Ayon kay CICC Executive Director Aboy Paraiso, layunin ng kampanya na turuan ang mga estudyante kung paano matukoy at ma-validate ang mga banta online, kabilang ang mga post na maaaring humantong sa karahasan.
Kabilang din sa ituturo ang tamang pagresponde ng mga paaralan sa mga credible o actionable information, gaya ng kung kailangang magsuspinde ng klase o humingi ng tulong sa PNP.
Hinimok din ang mga estudyante na maging maingat sa mga taong nakikilala online at agad magsumbong sa kanilang mga magulang kapag may humihiling sa kanila na gumawa ng hindi tama.
Kasabay nito, nakikipag-ugnayan ang CICC at Department of Information and Communications Technology o DICT sa mga malalaking technology companies para mapigilan ang access ng mga bata sa online programs na maaaring magtulak sa karahasan.
Binigyang-diin naman ng CICC ang mahalagang papel ng mga magulang at guro sa pagbabantay sa online activities ng mga kabataan, dahil kailangan umano ang pagtutulungan ng buong lipunan para mapanatili ang kanilang kaligtasan.









