
Hinimok ng Department of Energy (DOE) ang mga motorista na i-report ang mga gasolinahang hindi lubusang magpapatupad ng malakihang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa DOE, dapat isang bagsakan ang pagpapatupad ng bawas-presyo at hindi ito dapat i-stagger o hati-hatiin sa ilang araw.
Binigyang-diin ni DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na walang kasunduan ang ahensya at mga kumpanya ng langis para unti-unting ipatupad ang rollback.
Nagbabala rin ang DOE na maaaring maharap sa imbestigasyon at kaukulang parusa ang mga lalabag sa itinakdang price adjustment sa ilalim ng Oil Deregulation Law.
Pinayuhan ang publiko na ibigay ang eksaktong lokasyon o address ng gasolinahang hindi sumusunod upang agad itong maimbestigahan.










