
Inaasahang mas mabilis lalago ang kita kaysa workforce ng Philippine information technology and business process management o IT-BPM industry, habang patuloy na ginagamit ang artificial intelligence o AI para dagdagan ang kakayahan ng mga manggagawa.
Ayon kay IT & Business Process Association of the Philippines o IBPAP president at CEO Jack Madrid, inaasahang aabot sa 42.3 billion dollars ang kita ng industriya ngayong taon at 45 billion dollars sa 2027, katumbas ng 6.38% growth.
Samantala, inaasahang tataas sa 1.94 million ang bilang ng full-time employees o FTEs ngayong taon at magiging 1.99 million sa 2027, o 2.57% growth.
Sinabi ni Madrid na nagpapakita ito ng epekto ng AI at automation sa industriya, kung saan maaaring mapataas ang halaga at productivity ng trabaho habang nababawasan ang bilang ng manggagawang kailangan para sa ilang gawain.
Gayunman, sinabi ng IBPAP na kailangang matiyak na magagamit ang AI bilang pantulong sa mga manggagawa at hindi lamang bilang kapalit ng human workforce.
Nanawagan din ang grupo sa mga kumpanya na magpatupad ng responsableng AI governance kahit wala pang pinal na regulasyon, upang mapanatili ang tiwala ng mga kliyente at mapakinabangan ang teknolohiya nang may sapat na safeguards.










