Iniutos ng Court of Appeals ang pag-freeze sa ilang bank account, insurance policy at iba pang assets na konektado kay Cagayan 3rd District Representative Joseph Lara, kanyang pamilya at mga kumpanyang iniugnay sa kanila.

Batay sa resolusyon ng CA, nakapagtala ang Anti-Money Laundering Council ng P13.45 bilyong clearing transactions sa corporate accounts ng JLL Pulsar Construction Corp. sa loob ng pitong taon.

May nakita rin umanong P3.85 bilyong direct transfers mula sa mga financial unit ng Department of Public Works and Highways, habang nasa P1.16 bilyon naman ang cash at check deposits sa personal at joint accounts ni Lara mula 2019 hanggang 2026.

Ayon sa korte, ang mga naturang inflow ay malaki kumpara sa lawful income at assets na idineklara ni Lara sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth.

Nakapagtala rin ang JLL Pulsar Construction ng 242 infrastructure contracts na nagkakahalaga ng mahigit P11 bilyon mula 2016 hanggang 2024.

-- ADVERTISEMENT --

Bagama’t sinabi sa records na ibinenta ni Lara ang kanyang ownership stake sa JLL noong 2018, bago siya naging kongresista noong 2019, sinabi ng CA na may mga transaksyon at corporate records na nag-uugnay pa rin sa kanya at sa kanyang pamilya sa kumpanya.

Nakitaan ng CA ng probable cause na ang mga asset ay maaaring nagmula o may kaugnayan sa unlawful activity, kabilang ang posibleng paglabag sa Section 3(h) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Dahil dito, ipinagbawal ng korte ang pag-withdraw, paglilipat, conversion o pagtatago ng mga tinukoy na assets habang umiiral ang freeze order.