
Pinagtibay ng Commission on Audit o COA nang may finality ang notice of disallowance sa P73.287 milyong confidential funds na inilabas ng Office of the Vice President mula Disyembre 22 hanggang 31, 2022.
Ayon sa COA, acknowledgment receipts lamang ang isinumiteng dokumento ng OVP para patunayan ang paggamit ng pondo at hindi nito nasunod ang mga itinakdang audit rules para sa confidential funds.
Kabilang sa disallowed expenses ang P69.8 milyon para sa cash, iba’t ibang gamit at gamot na umano’y ipinambayad bilang rewards sa mga informant, at P3.5 milyon para sa mga mesa, upuan, computer at printer na sinabing ginamit sa safehouses at opisina ng OVP operatives.
Sinabi ng COA na mananagot sa refund ang mga opisyal na nag-apruba, nag-authorize at nag-certify sa disbursement, pati ang mga aktuwal na tumanggap ng disallowed amount.
Si Vice President Sara Duterte, OVP special disbursement officer Gina Acosta at chief accountant Julieta Villadelrey ang naghain ng motion for reconsideration sa notice of disallowance.
Samantala, sinabi ng OVP na hindi pa nito natatanggap ang kopya ng pinakahuling resolusyon ngunit nakahanda itong tumugon sa pamamagitan ng naaangkop na legal at institutional channels.










