Susuriin ng Office of the Ombudsman ang mga ebidensiyang isusumite ng House prosecution panel mula sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, posibleng kailanganin ang mga sinumpaang salaysay upang mapalalim ang pagsusuri sa mga impormasyong makukuha mula sa paglilitis.

Nauna nang sinabi ni Batangas 2nd District Representative at lead prosecutor Gerville “Jinky” Luistro na handa silang ibigay sa Ombudsman ang mga ebidensiya at testimoniyang inilahad sa impeachment trial.

Tatlo sa apat na artikulo ng impeachment ang iniharap ng prosecution panel, kabilang ang paggamit umano ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, at grave threats. Kalaunan, binawi ang mga artikulo tungkol sa confidential funds at grave threats, habang nauna nang binawi ang artikulo tungkol sa bribery.

Samantala, sinabi ni Remulla na kailangan munang beripikahin ang mga impormasyong nakalap ng National Bureau of Investigation (NBI) sa hiwalay na pagsisiyasat sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ni Duterte.

-- ADVERTISEMENT --

Iniimbestigahan din ng NBI ang ilang ari-ariang iniuugnay sa bise presidente at sa kaniyang asawang si Manases Carpio.