Magsasampa ng reklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng apat na hinihinalang maanomalyang flood control projects sa Davao City.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, isusumite sa Department of Justice o Office of the Ombudsman ang mga kasong ito para sa karagdagang imbestigasyon.

Kabilang sa mga natuklasang iregularidad ang pagsusumite umano ng magkakaparehong litrato na may magkakaibang petsa upang makasingil ng bayad. May isang litrato umanong nakatala noong Pebrero 29 at Mayo 5, 2023, kahit walang Pebrero 29 sa taong iyon dahil hindi ito leap year.

Sa kabuuan, iniimbestigahan ng NBI ang 47 flood control projects, ngunit apat pa lamang ang nabuksan para sa mas masusing pagsusuri.